Dumating na ba sa buhay mo ang pakiramdam na sana ay bigla ka na lang maglaho sa mundong ibabaw? Iyong tipong mawawala ka, wala ka ng mararamdaman pa at paglisan mo ay walang sinoman ang makakaalaala na nag-exist ka pala.
Ako, oo, maraming beses na. Pero iba sa pagkakataon na ito. Hindi ko alam kung ano nga ba ang ipinagkaiba ng nararamdaman ko sa ngayon kesa sa mga sakit na dinanas ko bago ka dumating sa buhay ko. Basta ang tangi ko lang alam, gusto ko na maglaho ora mismo dito sa aking kinauupuan.
Sawang-sawa na akong gumising araw-araw na ikaw na lang palagi ang iniisip ko. Kung ano ang ginagawa mo, kung sino ang kasama mo at… kung tulad ko ay naiisip mo pa rin ba ako. Malamang hindi na dahil masaya ka na. Hindi tulad ko na pilit pa rin pinaglalabanan ang lungkot na aking nadarama bawat araw.
Sa totoo lang, natatakot akong mag-isa. Pinipilit kong maging masaya kapag may kasamang iba. Ayoko na ngang umuwi dahil batid ko na babalik na naman ako sa dati kong mga gawi. Natatakot ako dahil alam kong pagpasok ko pa lamang sa pintuan namin ay babalik na naman ako sa realidad na wala ka na talaga.
Nariyan na rin ang mga panahon na naglalakad akong mag-isa sa kalyeng punong-puno ng mga tao pero pakiramdam ko ay mag-isa lamang akong naglalakad. Dati kasama kita habang masayang naglalakad at nagtatawanan na di man lamang alintana ang pagod, ngunit ngayon ako na lamang mag-isa sa paglalakad. Madalas ay naluluha pa rin ako tuwing naaalala ka. Pero sinasabi ko na lang sa aking sarili na para ano pa ang bawat luha ko, eh masaya ka ng kasama siya.
Kapag nawala kaya ako ay maaalala mo pa ako, magaaksaya ka pa kaya ng panahon para hanapin ako? At iiyak ka ba at sasabihin sa sarili mo na "sayang, hindi man lang ako nakapagpaalam…” ?
Marahil nga ay tanga ako para isipin pa ang isang tulad mo. Pinipilit ko namang limutin ka eh. Kahit sobrang sasabog na ang dibdib ko sa pagpigil na huwag kang intindihin. Pero talagang hindi ko kaya.
Kaya nga mas mabuti pa siguro na maglaho na lamang ako sa mundong ito ng tuluyan. Dahil pagmamay-ari na ng iba ang mudong dati kong ginagalawan. At kapag dumating ang araw ng aking paglisan, huwag mo sanang isipin na isa itong kahibangan. Marahil ay hindi ko lang talaga kaya na mamuhay pa sa ibang mundo, isang mundo na malayo sa mundong kinasanayan ko sa piling mo.
Comments