Nag-aagaw ang dilim at liwanag at makikita ang anyo ng dalawang tao, babae at lalake sa may burol. Nakahilig sa balikat ng lalake ang babae habang nakatanaw sa papalitaw na haring araw.
Apatnapung taon na silang pabalik-balik sa burol na iyon. Sila ay sina Inang Rosa at Tata Isko. Kilalang-kilala sila ng kanilang mga kababaryo. Kapwa sila nasa may sisenta ang edad at mula pagkabata ay bulag.
Beinte anyos ng unang magkakilala ang dalawa, taga kabilang baryo si Tata Isko. Naging madalas ang pagdalaw ni Tata Isko sa baryo nina Inang Rosa dahil nagaangkat ng mga panindang gulay ang kanyang ama at siya ay tumutulong, sa kabilang banda naman ay tindera ng gulay ang ina ni Manang Rosa at gaya ni Tata Isko, ay katu-katulong siya ng ina sa pagtitinda. At dahil dito ay nagkakilala at nagkapalagayan ng loob ang dalawa.
Magkasintahan pa lamang ang dalawa ay madalas na silang tumungo sa burol upang bantayan ang bukang liwayway na siyang ipinagtataka ng mga taga-baryo, dahil paano nga naman nila masisilayan ang pag-akyat ng araw? Bulag sila.
Ngayong araw na ito, alas-singko pa lamang ng umaga ay makikita na ang mag-asawa na naglalakad, hawak ang mga tungkod, patungong burol kahit madili-dilim pa. “ Bilisan mo naman at baka maunahan na tayo ng araw” wika ni Tata Isko. “Heto na nga’t nagmamadali na.” Sabi ni Inang Rosa. Pambihira din itong dalawang matanda dahil kahit mga bulag ay kabisadong-kabisado nila ang daan patungo sa may burol.
Pagkarating sa patutunguhan ay hangos na umupo sa may dulo ng burol ang dalawang matanda. “Buti na lamang at maaga-aga tayo, kundi ay baka hindi natin masilayan ang pagsikat ng gintong araw” pahayag ni Tata Isko. Siniko ni Inang Rosa si Tata Isko sabay wika, “Ano ka ba naman, nakakalimutan mo bang mga bulag tayo, paano natin makikita ang pagsikat ng araw, at paano mo naman nalaman na Ginto nga ang kulay ng araw?" “Bata pa lang ako kinukuwentuhan na ako ng lolo ko ng tungkol sa araw” saad pa ni Tata Isko.
“Meron nga pala akong magandang ibabalita s’yo Isko, alam mo ba na nagpunta ako sa bayan kahapon at nalaman ko sa ospital na tayo na pala ang sunod na nakapila para makakuha ng libreng mata mula sa mga eye donor nila.” Nakangiting pahayag ng matandang babae. “ Rosa, talagang pursigido ka sa plano mong iyan noh? Rosa, matatanda na tayo, nanaisin mo pa bang makakita? Tumanda na tayo ng ganito, hayaan mo na lang sa iba ang mata na sinasabi mo”
“Iyon na nga, mamamatay na lang tayo ay hindi pa natin masisilayan ang ganda ng mundo, atsaka di ba napagusapan na natin ito, aba,gusto ko rin namang makita ang hitsura ng bukang liwayway. Hindi ba’t gusto mo rin naman iyon Isko?” “Ang iniisip ko lang naman ay kung kakayanin pa ba natin ang operasyon” ang banayad na sagot ni Tata Isko.
Patuloy sa ganoong gawain ang dalawang matanda, gigising ng maaga para maabutan ang pagsikat ng araw, sabay uuwi na pagkatapos nito. Magpapakain ng mga alagang hayop at didiligan ang bakurang mayaman sa samut-saring gulay.
Minsang isang bukang liwayway, makikitang naguusap sina Tata Isko at Inang Rosa sa may burol. “ Isko, sa makalawa ay ooperahan na ako para sa eye transplant, sa wakas, animnapung taon na tayo ngunit ngayon ko palang makikita ang mundo, nakakatawa ‘di ba?” Bakas sa mukha ni Nanang Rosa ang pagkasabik. Ngunit nananatiling walang imik si Tata Isko na nakatanaw lamang sa di-kalayuan na wari’y may inaaninag. “Anong problema Isko, gusto mo ikaw na ang mauna sa operasyon?” usisa ni Inang Rosa. “ Hindi, mauna ka na, di ba sa susunod na linggo ay ako naman, mauna ka na.” sabay pisil sa kamay ng asawa.
Umaga, hindi magkamayaw si Manang Rosa kung aling damit ang susuotin. “ Alin ba ang mas bagay, itong kulay asul, puti, o dilaw?" Kabisado na ng matandang babae ang kulay ng kanyang mga bestida kahit hindi pa niya iyon nakikita. “ Kahit ano naman ay babagay sa iyo, madali ka at baka mainip si Doktora, ibigay pa sa iba anng mga mata mo” ang natatawang sambit ni Tata Isko.
Madaling araw na namang muli, ngunit wari’y makulimlim ang kalangitan, makikita ang anyo ng isang matandang lalaki na nakaupo sa may dulo ng burol, nakatanaw sa malayo… si Tata Isko. Noong mismong araw na dapat ay ooperahan si Manang Rosa ay inatake ito sa puso papuntang ospital at hindi na nagawang salbahin pa ng mga doktor. At ang mata na para sana kay Manang Rosa ay inilipat na lamang kay Tata Isko.
“Ngayon, nakikita ko halos lahat mula dito sa taas. Ang mga puno at ang buong kabayanan, lalong-lalo na ang pinakaaasam nating bukang liwayway. Kung buhay ka lang sana Rosa, disinsana’y sabay nating mapagmamasdan ang pagsabog ng liwanag ng Haring Araw. Pero sa kabila ng lahat, alam kong masaya ka na rin kung nasaan ka man ngayon, dahil natupad na ang tanging pangarap natin na mapagmasadan ang bukang liwayway, natupad na mahal ko… kahit ako na lamang mag-isa ang nakatupad nito…”
Sabay ng tuluyang pagangat ng araw ay sinalubong ito ni Tata Isko ng buong lugod at tapang para sa mga darating pang bukas na wala ni si Nanang Rosa sa kanyang tabi, upang pagmasdan ang bukang liwayway.
Comments