“Bili tayo ng mocha cafreezio, masarap iyon…”
Busog na busog na ako pero pinilit mong ipatikim sakin ang pinagmamalaki mo na Mocha Cafreezio sa Allegro. Ewan ko ba, natuwa lang siguro ako sa hitsura kaya napilitan ako. Sa totoo lang, favorite ko parin ang Mocha Frappe sa Starbucks kaya
kahit mas mura ang Mocha Cafreezio na nilibre mo sakin, hindi ko parin iyon ipagpapalit.
Lumipas ang mga araw, sabi na nga ba at hindi ko naman iyon magugustuhan, di kagaya sa Frappe ng Starbucks, hinahanap-hanap ko dati. Pero bakit ganoon? Tuwing mapapadaan ako sa Allegro lahat yata ng kasama ko eh sinasabihan kong ilibre ako ng Mocha Cafreezio. Sa totoo lang, paborito ko ang whip cream nila. Weird na kung weird pero halos lahat ng nakakakilala sa akin ay alam na ayaw na ayaw kong hinahalo ang Frappe ko. Gusto ko hanggang maubos ko ang laman, buo pa rin ang Whip Cream. Sa Starbucks kasi natutunaw, sa Allegro, hindi, buo talaga. Ito talaga ang dahilan kung bakit all-time favorite ko na ang Mocha Cafreezio.
Pero siyempre, mas sumasarap ang pag-inom ko kapag kasama kita. Kadalasan tumatambay tayo sa baba para bumili nito at magkuwentuhan. Tuwing umaalis ka, pinipilit kitang pasalubungan mo ako ng Mocha Cafreezio. Minsan nga nainis ako sa iyo dahil bumili ka ng walang whip cream. Ang sabi mo naman wala na silang whip cream. “Sana hindi ka na lang bumili, alam mo naman na iyong whip cream lang ang gusto ko.” Ang sabi ko sa’yo. Oo na, mababaw na kung mababaw pero nagsasabi lang ako ng totoo. Pakiramdam ko kasi, wala ng kuwenta ang Mocha Cafreezio kapag walang whip cream.
Ngunit bakit ganoon? Hapon noon at umuulan, nasa baba tayo habang pinagmamasdan ang madilim na kalangitan at bawat patak ang ulan. Parang hindi na masarap ang Mocha Cafreezio na iniinom ko kahit may whip cream naman, nais ko sanang tikman ang iniinom mo, baka iyong sa akin lang ang may problema pero narealize ko depende lang siguro iyon sa umiinom.
Ilang araw na lang aalis ka na. Ilang araw na lang wala na akong makakasamang uminom ng Mocha Cafreezio at ilang araw na lang magiging mapakla na ang lasa nito.
Dumating ang araw ng pag-alis mo. Pinilit kong kayanin ang lungkot para sa iyo. Tuwing napapadaan ako sa Allegro napapangiti ako habang inaalala ang pagka adik ko sa Mocha Cafrezzio. “Matagal na pala akong hindi nakakatikim nito…” Pumasok ako at bumili ng paborito kong Mocha Cafreezio pero nadismaya ako dahil wala silang whip cream. Pero sige, bumili pa rin ako, baka bukas meron na. Kinabukasan tinungo ko ulit ang pinagbibilhan natin pero wala pa rin, bili pa rin ako. Bukas, maaga ako bibili para hindi maubusan. Ngunit ganoon pa rin. Araw-araw nilulunod ko sarili ko sa Mocha Cafreezio na walang whip cream. Nauumay na ako pero masaya ako dahil pakiramdam ko kasama pa rin kita.
Tuwing nagagawi ako sa Allegro, lagi kong sinisipat ang lagayan nila ng whip cream. Lagi na lang wala. Bakit kaya ganoon…mula ng nawala ka nawala na rin nag whip cream nila?
Alam mo bang walang kuwenta ang Mocha Cafreezio ko kapag walang whip cream, parang ang buhay ko, wala rin saysay ito kapag wala ka. Nakakatamad, nakakaumay, paulit-ulit lang ang buhay ko ngayong wala ka na sa tabi ko., alam mo namang ikaw lang ang kumukumpleto at mas nagpapasarap nito.Alam mo ba kung bakit? Kasi, parang ikaw ang whip cream sa Mocha Cafreezio ko.
Comments